KAMATAYAN: Mahirap takasan

            Taon-taon, araw-araw, sa bawat minuto o segundo ay may nabibigyan ng buhay, meron din namang tinatanggalan ng buhay. Di mo alam, sa bawat halakhak mo, may kinakapos na pala ng hininga, may nasasagasaan, may napatay dahil sa saksak, may inaatake o di kaya may malubhang karamdaman. Sa bawat pagtangga mo na tapusin ang iyong buhay, mayroong isang tao na lumalaban kahit na nahihirapan basta mabuhay lang. Tila, walang kasiguraduhan ang mundong ating ginagalawan. Di mo alam kung saan, kailan, paano at bakit nakatadhana ang iyong kamatayan; Higit sa lahat hinding-hindi mo ito matatakasan.

            Lahat naman tayo ay takot mamatay. Sino ba ang hindi? Hindi tayo makakatakas diyan. Walang pinipili ang kamatayan. Mapa bata man o matanda, pag oras mo na, oras mo na talaga. Nakakalungkot isipin yung mga taong may malubhang karamdaman;yung nakaratay na lang sa kama, o di kaya yung tirahan na nila ang ospital. Ipinapasadiyos na lang ang kanilang karamdaman. Taimtim na nananalangin na sana ay tulungan sila ng Diyos at bigyan pa ng mahabang buhay. Mapalad ka pa rin kahit na ika’y may malubhang sakit kung nagagawa mo pang makausap at masilayan ang mga mahal mo sa buhay. Nasasabi mo pa ang mga dapat mong sabihin, tulad na lang ng mga katagang, “mahal kita, patawad,” o di kaya’y nagagawa mo pa silang hagkan at yakapin.

            Tandang-tanda ko pa ng namatayan ng nanay ang aking kaklase. Sabi ko pa sa kanya, “ Ayos lang ‘yan.” Hindi ko pala dapat sinabi yon. Kasi, hindi naman talaga maayos yun. Nasabi ko lang ang katagang yun dahil sa mga panahong yun ay di ko pa talaga nararanasan ang mawalan ng minamahal. Ngunit napag-isipan/napanaginipan ko yan, paano kaya kung isang araw magising na lang ako na wala na ang nanay ko? Saan kami pupulutin? Pero, binalewala ko lang yun, kasi kampante ako na hindi pa mawawala ang nanay ko. Na lagi ko pa siyang makakasama hanggang sa magkapamilya ako, marami pa kaming pangarap na tutuparin, mga lugar na pupuntahan at mga masasarap na pagkain na titikman. Ngunit, mali ako. Dapat hindi ako naging kampante. Dapat sinulit ko ang bawat araw na magkasama kami. Ngunit hindi ko yun nagawa, sino ba naman ang mag aakala na kukunin na siya ng diyos? Yun na nga, di ba! Hindi natin nakikita ang kamatayan, hindi tayo nasasabihan ng “ Sulitin mo na ang oras mo, malapit ka na.” o di kaya “ 1 oras na lang, mamamatay ka na,” kung pwede lang di ba? Hindi rin natin napapahinto ang oras at makiusap na “ huwag muna, hindi pa ako handang magpaalam.” Walang palugit ang kamatayan. Wala talaga. Sa ayaw at sa gusto mo, wala kang takas. Wala tayong magagawa.

            Ngunit, may tanong ako na kay hirap mabigyan ng kasagutan? Bakit laging nauuna ang mga taong may mabubuting puso? Yung mga mababait, yung pala samba. Kung sino pa ang mas masama sila pa ang nabibigyan ng mas mahabang buhay. Bakit yung ibang tao nabibigyan ng pangalawang pagkakataon para mabuhay? Bakit yung sa nanay ko, wala? Sabi nila, magdasal lang ng magdasal dahil hindi natin alam ang milagro. Ginawa ko naman yun, alam ng diyos yun, pero wala. Walang milagrong nangyari, akala ko magkakatotoo yung mga napapanood natin sa teleserye, na sige iiyak mo lang, ipagdasal mo lang kasi ang Diyos nakikinig lang yan. Tapos ilang minuto, magigising na, buhay na siya at siya’y ligtas na. Sa totoo lang, inasahan ko yung mangyari. Ngunit, nagising din ako sa katotohanan na nasa totoong buhay ako, hindi ito teleserye. Narinig ng diyos ang mga iyak at dasal ko, ngunit hindi niya ako pinagbigyan. Aaminin ko, medyo nagtampo ako sa diyos, bakit di niya ako kayang pagbigyan? Bakit hindi niya kayang buhayin ang nanay ko? Bakit kailangan niyang mawala? Pilit kong inuunawa ang dahilan niya, ngunit hindi ko talaga maintindihan. Bakit ganito ka aga? Ngunit may nabasa akong verse sa bibliya, at naiintindihan ko na. Mahirap man, pero iintindihin ko kasi may tiwala ako sa maykapal.

            Kung nakakapagsalita lang yung nanay ko ng mga panahong yun, alam kong ayaw niya pa. Hindi pa siya handa na kunin ng diyos at sa kadahilanang iniisip niya kami, anong mangyayari saamin ng kapatid ko pag wala siya? Siya ang lagi naming inaasahan. Ngunit napagtanto ko na, ang kamatayan niya rin ang sagot sa kanyang dasal. Pero, sana lang hindi sa ganung paraan. Mahirap ang naging sitwasyon ng nanay ko, mahirap macomatosed. Mabigat sa pakiramdam ang pumasok sa ICU at nakikita siya sa ganung sitwasyon. Pero, mabait din ang diyos, hindi niya pinahirapan pa ang nanay ko. Meron kasing mga tao na hirap na hirap na, yung gusto na nilang mamatay pero ayaw pa ng diyos. Bakit kaya ganun? Sa palagay ko, mas mahirap at mas masakit yung ganoong pakiramdam. Yung hirap na hirap ka na, gusto mo nang mamatay ngunit hindi mo pa panahon.

            Oras at kamatayan: mahirap pahintuin at di mo pwedeng takasan. Ngayon, pag may nakikita akong mag-ina; naiiyak ako, naiinggit kasi kasama pa nila ang nanay nila. Ako? Wala na. Patay na ang nanay ko.  Bigla ko na lang natatanong sa sarili ko, bakit sila may nanay pa, bakit ako wala na? Sino ang hindi maiiyak pag nangyari sa iyo yun. Ang saklap. Guguho talaga ang mundo mo. Noon sabi ko, parang hindi naman namatay ang nanay ko, parang andyan lang siya, indenial pa ako, pero ngayon, kapag mag isa lang ako, tahimik ang bahay namin, nasasabi ko na lang na “wala na talaga si Mama, wala na.” Nasa proseso pa rin ako ng moving-on. Mabigat parin sa makiramdam. Mahirap. Lalo na pag may mga bagay na nagpapaalala sa akin sa kanya. Gabi-gabi umiiyak parin ako kapag naalala siya, di ko mapigilan eh.Yung pag iyak ko ay tinatago ko lang, ayokong may nakakakita sa akin na umiiyak. Nagkukunwari ako na okay ang lahat pero minsan hindi talaga, eh. Dumadating sa punto na hindi mo na kaya, kailangan mo na talagang ilabas. Madami akong kinatatakutan sa buhay, pero hindi ko inilantana yun dahil alam kong nariyan lang ang nanay ko, na sa tuwing natatakot ako sa gabi, yayakapin ko lang siya ng mahigpit. Pero, ngayon? Wala na akong mayayakap. Kakausapin ko na lang siya sa hangin. Alam ko namang nariyan lang siya, binabantayan kami. Napakaiyakin ko kasi talaga; yung kapatid ko, pagkatapos ilibing si Mama, hindi ko na siya nakitang umiyak. Tanong ko, bakit kaya? Samantalang ako, hirap na hirap pa rin. Paano niya kayang nagagawa ang hindi maiyak? Paturo kaya ako sa kanya.

            Mahirap man ang pinagdadaanan ko, maswerte pa rin naman ako dahil nandyan ang ever supportive na Papa ko, hindi niya kami iniiwan. Talagang, pinatunayan niya ang pangako niya kay Mama na hindi niya kami pababayaan. Nagpapasalamat parin ako, dun. May dahilan parin para maging masaya. Nalulungkot na naman ako na isipin na nalalapit na ang “Mother’s Day”. Nung isang taon lang, kasama namin siya, binabati namin sya at hinahalikan pa. Eto yung unang pagkakataon na wala siya. Napakalungkot. Lalo na siguro sa darating na kaarawan ko, parang di ko kayang salubungin ang kaarawan ko na wala ang nanay ko. Parang, ngayon pa lang, ayaw ko ng paghandaan. Kasi, kulang na talaga. Kasi, wala siya. Naaalala ko, lagi pa siyang nagluluto ng spaghetti pag birthday ko. Yun ang mamimiss ko talaga!

            Kaya sa mga makakabasa nito. Pakiusap lang, pahalagahaan ninyo ang inyong Ina. Alagaan at mahalin niyo sila. Napakaswerte nyo kasi kasama nyo pa sila. Wag ninyong sasayangin ang bawat oras, minute at segundo na kasama sila. Sabihin niyo na kung anno ang gusto niyong sabihin.

Xo,

Jeca

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s